#HeneralLuna at the #TattAwards2015

November 12, 2015 8:25 am Leave a Comment

Magandang araw, mga kasama! Kagabi ay bukod akong pinagpala dahil kung hindi niyo pa naririnig ang balita, nagtagumpay ang team #HeneralLuna sa nakalipas na Globe Tatt Awards 2015! Samahan niyo ako sa aking pagbabalik tanaw sa mga kaganapan kagabi. Ilabas niyo na ang kape at ensaymada at paumanhin kung ito ay medyo mahaba.

 

Noong nakaraang Oktubre ay nakatanggap ang Heneral ng isang telegrama mula sa mga kawani ng Globe Tattoo Broadband:

Bagama’t hindi ito inaasahan ng Heneral, wala akong nagawa kundi tanggapin ang napakagandang oportunidad na ito. Siyempre, pinadalhan ko rin sila ng telegrama gamit ang asul na ibon ng Twitter:

 

 

Lumipas ang ilang araw at napag-alaman ko na napabilang pala ako sa hango ng dalawampung indibidwal, social movement, at talentadong mamamayan ng Pilipinas na pilit pinupukaw ang ating atensyon at kamalayan sa online world.

 

CTf-M2LWsAA2IN5

 

Wala namang mawawala kung mangampanya, kaya isinuko ko na sa kawalan ang mensaheng nagiimbita sa aking mga taga-sunod sa social media na bumoto para sa #HeneralLuna.

 

Salamat na lamang at handang-handa ang aking mga kasama na suportahan ang pagnanais ng Heneral na maiuwi ang karangalan!

Marami rin ang nagpadala ng mensahe gamit ang mga official hashtag para sa patimpalak:

Bunga na rin ng kanilang imbitasyon, tumungo ang Heneral sa Makati gamit ang aking karawahe. Buti na lamang at umalis ako nang maaga, dahil medyo ma-traffic sa Makati. Umabot naman ang Heneral sa 6:30PM call time at nasiyahan ako dahil sa Shooting Gallery isanagawa ang pagtitipon. Akala ko’y may mga baril pero ibang klaseng shooting gallery pala ito. Nais ko pa naman sanang magpakitang gilas sa pag-gamit ng baril, ngunit lahat ata ng bala ko ay kinumpiska na ng NAIA.

 

DSCF3832

Sa simula ng palatuntunan ay may mga makikisig na ginoo ang nagsayawan. Sila pala ang A-Team. Kung nanaisin nila ay pwedeng-pwede silang maging kawal ng Heneral sa susunod na digmaan. Magaling sila magpaikot-ikot sa ere at mukhang mabibilis din silang gumalaw. Ang kaso na lamang ay kung magaling ba sila umasinta dahil ayaw kong inaaksaya ang bala.

Sunod ay ipinakilala ang Tattoo Council, ang grupo na nagpasya kung sino ang mapapabilang sa GREAT 10. Mula sa iba’t ibang larangan ng industriya nanggaling ang Council. Kabilang dito sila Senator Bam Aquino, film director Quark Henares, Jim Paredes, Daphne Osmena-Paez, Jinno Rufino, Mike Carandang, Nix Nolledo, Anna Oposa, at Bianca Gonzales-Intal.

Mula sa dalawampung nominado ay isa-isa na ngang inanunsyo ang mga kabilang sa GREAT 10! Sa unang batch ay napabilang si James Deakin ng Top Gear PH, Marcelo Santos III, ang photographer na si Jelito de Leon, at si Paolo Ballesteros.

Patuloy ang pagbigay ng mga waiter kay Heneral ng canape, ngunit nais ko sana ay ensaymada. Hindi rin matigil ang kanilang pagpapainom sa akin ng red wine na siya namang tinanggihan ko dahil na rin kailangan ko pang makauwi gamit ang aking karawahe. Hindi man lasing ang kabayo ko, kung ang Heneral naman ang lasing ay baka hindi ko na masilayan ang pagdating ng panibagong araw.

 

DSCF3955 DSCF3941 DSCF3948

Matapos nito ay sunod-sunod ang pag-anunsyo sa ilan pang nagsipagwagi: Ang FilipiKnow, Top Gear PH,  #SaveMaryJane movement, pati na rin ang spoken word poet na si Juan Miguel Severo ay nakasama din sa Great 10. Malapit naman na ang pagtatapos ng programa ay inabutan ng kaba ang Heneral. Kung hindi ako mapasama sa Great 10 ay baka mawalan ng loob ang aking mga tagahanga.

 

Nagulat na lamang ako sa anunsyong ito:

 

 

Hindi na sumama ang Heneral sa stage para kunin ang tropeyo dahil para ito sa social media team na walang sawang nag-trabaho upang maging matagumpay ang campaign ng Heneral!

 

Ngunit hindi lamang ang #HeneralLuna team ang nagtrabaho para sa award na ito. Sa tulong ng social media ay sabay-sabay nating napagbuklod ang bayan upang maibalik ang aming pelikula sa sinehan. Ang award na ito ay para sa mga taong patuloy ang pag-suporta kay Heneral Luna. Para ito sa mga gumawa ng fan art, para sa mga nagpa-trend sa Twitter, sa mga tumawag sa sinehan at nag-request na ibalik kami.

 

Para ito sa mga nagpadala ng telegrama sa akin at nag-sumbong ng mga ilegal na pagpapalabas ng aming pelikula. Para ito sa nakipag-away sa loob ng sinehan nang makita niya ang kanyang katabi na nirerecord ang screen. Para ito sa mga kababayan natin sa ibang bansa na walang sawang nagtatanong kung kailan ba maipapalabas ang Heneral Luna sa lugar nila. Para sa mga atat na atat na sa DVD.

 

Sa Ensaymasa. Sa Ruscats at sa mga shini-ship ang Mabinaldo. Para sa gumawa ng T-shirts at sa nag-costume bilang Heneral noong nakaraang Halloween. Para ito sa inyong lahat. Para ito sa bayan.

 

Siyempre ay hindi dito nagtapos ang awards night dahil ang huling napabilang sa Great 10 ay ang ating mga kaibigan sa Eat Bulaga. Lumabas si Baeby Baste para tanggapin ang award at nag-saya ang lahat.

 

DSCF3966

Oo nga pala, dumating din si Bernal ngunit huli na ang lahat.

 

Masayang masaya ako sa mga kaganapan at saludo ako sa inyong lahat ng tumulong sa akin na maging parte ng Great 10!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *